
PATIGASAN. Mukha kung mukha ang labanan.
3 notes /
1 week ago
Na wala akong nakutkot sa ga-atom kong utak. Kahit latak, walang pumatak.
0 notes /
1 week ago
Dagliang bumalangkas at nagpamalas ng nakakaliping na desisyon. Lahat ng galit, tampo, inis, inggit, at pikon ay tumapon. Pagmamahal, paghanga, katapatan, at tuwa’y marahang tinipon. Kanya-kanyang timbon, kanya-kanyang buo ng muhon, kanya-kanyang pag-ahon sa nakakalunod na emosyon. … na peksman, nakakatamad manuyo sa panahong ‘to. … na kaya kong manggago at manarantado depende sa trip mo. … na mali ang salitang ‘kayabangan’ bilang pambato. … na ‘katalipandasan’ dapat para mas tagos sa buto. … na sa pagbabago ng imperpektong mundo, nagbabago rin ang inaakala mong perpektong tao. … na tao po ako at hindi santo. That’s all, thank you.
0 notes /
1 week ago
Bakit kailangan pang magsuot ng ID sa loob ng campus gayong nakauniporme naman? Bakit kakaiba ang laki ng papel ng mga Grade 4 students kesa sa ibang Grade Level? Bakit kailangan magpa-homework ni teacher e sa eskwelahan rin naman ‘yon ginagawa ng mga estudyante, ilang minuto bago magsimula ang klase? Bakit kailangan pang humaba ang usapan sa pagitan ng tindera at bumibili gayong pwede naman agad sabihing: “Manang, pabili nga ng tatlong stick ng Marlboro, yung pula.”? Bakit kailangan pang magdikit ng No Smoking na sticker sa likuran ng upuan ng dyipni drayber gayong ‘yung drayber mismo ang kauna-unahang nag-aala-tambutso ang bunganga sa pagbuga ng usok? Bakit kailangang pang i-GM ang mga ATM na ‘yan gayong may twitter naman? (Unless nagpapapansin sa mga holdaper at snatcher.) Bakit kailangang magaganda’t pogi ang karamihan ng housemate sa PBB? Bakit kailangang ang maging Big Winner ay ‘yung may kaya pa sa buhay? Bakit kailangan pang labhan ang damit gayong patutuyuin rin naman? Para rin ba itong pagkain na sa umaga’y itinatae rin lang? Bakit hindi gawing anim ang ‘senses’ ng tao at idagdag ang common sense?
Kelan ang huling pagtikim at pag-iwas mo sa alak? Kelan ang huling pagtalikod at paghithit-buga mo sa yosi? Kelan ka huling nagreply at di-rumeply sa text? Kelan ka huling nanalo at natalo sa pustahan ng basketball sa kanto? Kelan ka huling nagpahaba at nagpagupit ng buhok? Kelan ka huling nagbayad at nag-one-two-three sa dyipni? Kelan ka huling sinama at naiwan ng barkada sa panunood ng gig? Kelan ka huling nakatanggap at nagbigay ng isang regalo? Kelan ka huling nagising nang nakangiti bunga ng isang napakagandang panaginip? Kelan ka huling naghabol ng hininga dulot ng isang nakapanghihilakbot na bangungot? Kelan ka huling naaliw at nainip? Kelan ka huling ngumiti at sumimangot sa kakilalang nakasalubong? Kelan ka huling gumawa at ginawan ng kasalanan? Kelan ka huling umamin at tumanggi sa isang pagkakamali? Kelan ka huling nagpatawad at pinatawad? Kelan mo huling binuklat at hinayaang magkaalikabok ang banal na aklat? Kelan ang huling pagtulong at pagtapak mo sa kapwa? Kelan mo huling hinagkan ang ‘yong mga magulang? Kelan mo sila huling sinagot ng pabalang? At kelan ka huling nagmataas at nagpakumbaba? Kelan mo nadiskubreng maaaring kanina, kahapon, ‘nung nakaraang linggo, nitong isang buwan, at noong ‘sang taon ang magiging tugon mo sa lahat ng aking tanong? Na panahon ang tanging saksi at tangi ring kasagutan sa lahat ng ‘yan? Na ang mga ‘huling beses’ na ‘yan ay hindi naman talaga totoong hangganan? Na alam nino man na nauulit ang kasaysayan, ganoon rin ang karanasan, sa ibang lugar at pagkakataon nga lang? Na ang mahalaga rito ay makipkip ang ano mang kabutihan at mabago ang kasamaang mismong tadhana ang gumagawa minsan?
Utak ang nagpapatakbo sa sistema ng tao, ang nagdidikta sa kung ano ang dapat nating gawin, ang dahilan kung bakit nakapag-iisip tayo ng mga bagay na gusto nating mangyari, na kung di man ngayon e sa hinaharap. Utak ang katuwang ng puso sa emosyong di nito kayang ipaliwanag. Higit na matalino ang utak kesa puso kaya nagagawa nito kadalasang magdesisyon kung sino ang dapat mahalin. Mas praktikal ang utak, sa madaling sabi. Utak ang bumubuo ng mga pangarap na panghahawakan sa paglakad ng panahon, ang nagsasalansan ng mga layunin, at ang humahabi ng sangkalang gagamitin sa pagtupad nito. Utak ang dahilan ng pagiging malikhain ng isang manunulat. Utak ang daan para maging masining ang isang paglalahad. Utak rin ang pinakamatatag na lamang nagpapabulwak sa matatayog na kaisipan. Kung hindi man damdamin, utak ang sumasalo sa pagpapayong ginagawa ng ilang DJ sa radyo. Nagagawa nitong sakupin ang emosyon ng tao, napakamakapangyarihan! Alam ng utak kung ano ang tama at kung alin mali. Ang nakakalungkot nga lang, mas madaling maakit ang katawan ng tao na gawin ‘yung pangalawa, patunay na di-perpekto ang lahat ng nilalang. Sa eskwelahan, utak ang pinakakasangkapan ng mga estudyanteng may layuning maging matagumpay pagdating ng araw. Utak naman ang pinakaunang nabubulok sa mga estudyanteng pagbubulakbol lang ang alam. Nakakagawa ang tao ng mga bagay na kagila-gilalas gamit ang utak. May mga taong naging tanyag na dahil sa pag-imbento ng isang kasangkapan. Minsa’y nagiging makasalanan ang utak, nagiging malaswa, manyak—lumalampas sa limitasyon ng tinatawag nilang imahinasyon. Nagiging kalamansi. Maliit, maasim, at berde. Ganon pa man, mas maraming kayang gawing kabutihan ang utak. Kaya nitong pandayin ang utak ng iba sa pamamagitan ng pagpalalabas sa latang matagal ng pinagtataguan nito. Tinatapyas ang kaisipang-barbaro at pinapalitan ng kaisipang-makatao. Ginanagawa ring produktibo para makatulong sa kapwa’t maging sa sarili mismo.
Gusto mo bang maging isang magaling na manunulat? Maging isang sikat na manganganta o maging isang mananayaw? Pinangarap mo bang maging isang tanyag na propesor sa isang prestihiyosong unibersidad? Maging imbentor o maging isang napakahusay na pintor? Pumasok ba sa isip mo ang sumali sa ilang pakulo sa telebisyon at magpadiskubre bilang isang batang artista? Mag-apply bilang DJ sa number 1 radio station sa Metro at Mega Manila? O maging VJ sa nag-iisang music channel sa bansa? Nasa dugo mo ba ang pagiging isang lider (na hindi namumulitika)? Pagiging isang pastor o pagiging isang misyonaryo? Pangangarap ang tawag diyan, isa sa mga bagay na libre at malayang gawin ng kahit na sino. May mga pangarap na nasisira dahil sa kung ‘di man mali, e padalos-dalos namang pagdedesisyon. Karaniwang nangyayari sa mga taong nakalimutan kung ano ang dapat at tamang gawin, sa mga taong sa sobrang paghahangad ng madaliang kaginhawahan ay nakaligtaan ang punto ng pagbabata, at sa mga taong nagbabago ng isip at pinipili ang balikong daan. Pero alam mo ba kung ano ‘yung lubos na ikinatuwa ng mundo sa mga nilalang na di nahihilo kahit anong gawin niyang pag-ikot? Iyon ay ‘yung pagpapatunay ng karamihan sa kanila na laging may tamang panahon sa pag-abot ng mga pangarap. Na kahit anong gawing pagpapapansin ng balikong daan ay doon pa rin ang tuloy sa kung ano ang tuwid. Na kahit anong pagsubok pa ang ihain ng tadhana ay positibo pa rin itong susupilin para sa tagumpay nilang hangad. Nasa punto ka ngayon ng pag-abot, hihinto ka pa ba? ANG ‘YONG TANGLAW
Tinaguriang mga superhero sa lahat ng henerasyon. Pinakadakilang mga nilalang na nangabubuhay sa lupa. Handang dumamay sa lahat ng pasanin ng mga tinuturing nilang yaman. Bagama’t hirap sa mga gawaing bahay, umaapaw na pagmamahal pa rin ang handang ibigay. Sa bawat pag-iyak natin, lagi silang nandyan para magpatahan. Sa bawat pagkadapa, laging nandyan para tayo’y tulungan. Sa bawat problema, agad tayong pinapayuhan. Sa bawat pagkabigo, pinatatatag ang ating kalooban—‘yan at iba pang mga katangian ang patunay sa walang patid na pagmamahal na nanggagaling sa tinaguriang mga ilaw ng tahanan. Oo nga’t inilalarawan sila bilang bungangera, dakdakera, at talakera. Oo nga’t minsa’y paulit-ulit ang kanilang sinasabi na animo’y sirang plaka. Oo nga’t mas matimbang kadalasan ang barkada natin kesa sa kanila. Pero tandaan mo, magkaiba ang naglalambing sa nagagalit, ang nangangaral sa nangungulit, at ang pagmamahal ng isang ina sa pagmamahal ng isang kaibigan. Sila ang karugtong at nagbigay sa atin ng buhay. Sila ang unang nagparamdam sa atin ng pag-ibig na dalisay. Sila ang unang kumarga at nag-aruga sa atin ng tunay. Sadyang walang kaparis at makahihigit sa pagmamahal ng isang nanay.
INA
INAkay ka sa tamang landas. INAruga ng walang kapatas. INAlagaan ka ng lubusan. INAngking parang yaman. SILANG TUNAY
Sa ngalan ng daster at feather duster, ng walis-tambo at dustpan, sampu ng lahat ng mga kasangkapan (wow, politiko?); magbigay-pugay tayo sa tunay na reyna at ilaw ng tahanan! Maligayang Araw ng mga Ina sa lahat ng mga Nanay saan mang panig ng kabahayan (akala mo, ng mundo ano?)! BUHAY
Bawat nilikha, may kanya-kanyang pagpapakahulugan sa bagay na ‘yan. Depende sa trabaho, depende sa lugar, at depende sa katatayuan sa lipunan. Hirap ba o sarap? Pili lang sa dalawang katangiang madaling makapaglalarawan sa inilatag na salita sa itaas. Sa mga pulubi, isang pagsubok ang mabuhay. Kailangan pang manlimos magkaroon lang ng pambili ng pagkain. Kailangan pang magbabad sa ilalim ng sikat ng araw o maglunoy sa tubig-baha malamnan lang ang tiyang kumakalam. Kailangang magpakatatag, matira matibay, buhay sa buhay ang labanan. Hindi nalalayo ang buhay ng mga iswater sa pakikipagsapalaran ng nauna. Ang kaibahan nga lang, meron silang nasisilungan tuwing tag-ulan—depende pa ‘yan kung madadala ba ng rumaragasang tubig ang barong-barong na pinagpipilitan nilang itayo sa ilalim ng tulay. Balisong sa balisong na pamumuhay ang kadalasan nating mabalitaan. Sa mga taga-probinsya, malaking porsyentong payak ang pamumuhay. Malinis at sariwang hangin, gulayan sa bakuran, inuming tubig buhat sa batis o ilog, at berdeng palayan—iilang mga bagay na nagsisilbing patunay na sa kahit gaano kasimpleng paraan, napakasarap mabuhay. Kahit salat sa trabaho sa kanayunan, namamayani pa rin ang bayanihan paminsan-minsan. Kabaligtaran naman ang uri ng pamumuhay sa lungsod. Maruming hangin, kaliwa’t kanang holdapan at mangilan-ngilang karahasan, at mala-impyernong trapik—patunay na kahit gaano pa kaunlad sa lugar na iyon, sandaan at isang porsyentong pag-iingat pa rin ang kailangan. At dahil sentro ng sibilisasyon, madaling makahanap ng trabaho o mapagkakakitaan, kalat nga lang ang mga tuso’t mapanlamang. “Tao ang gumagawa ng sarili niyang buhay.” ang sabi ng guro namin dati sa elementary. Tama naman. Tao nga ang kapitan sa sarili niyang barko, ang piloto sa sarili niyang eroplano, at ang tagapadyak sa sarili niyang bisikleta. Buhay. Kung di ka marunong magpatakbo, asahan ang madalas mong pagbangga at pagsablay. Pero mas magkakaroon ng saysay kung isasama mo Siya sa bawat paglalakbay. Panigurado, kung di man ganoon kasagana e kumportableng buhay naman ang lagi sa ‘yong maghihintay.
‘Yung una mong pagpedal sa bisikleta ng hindi natutumba’t di nagkakasugat; yung unang beses mong pagtungtong sa mababang paaralan bitbit ang bagong lapis, pambura, at bag; ‘yung unang beses mong pagsali sa piko, taguan pung, jolens, tex, patintero, ay tsitso olympics; ‘yung una mong pagkakaroon ng selepono at pagdutdot sa keypad nito kasabay ng pagpapadala ng unang GM mo; ‘yung unang beses mong makakain ng fried chicken habang ngumangasab ng spaghetti sa isang fastfood chain; ‘yung unang beses mong pagtapak sa escalator, elevator, at roller coaster at di napigilang humiyaw na kung hindi man sa bibig, e sa utak lumabas; ‘yung unang beses mong pagtanggap ng medalya o ribbon sa isang recognition day o commencement exercises; at ‘yung unang beses mong makaramdam ng kakaibang tibok sa dibdib ng mapadaan sa harapan ang isang napakagandang dilag; hindi ba’t kaeksayt-eksayt ang mga bagay at pangyayaring iyan? Ngunit kapansin-pansin na sa unang beses lang kadalasang nagaganap ang ganyang pakiramdam at bibihira sa kaduluhan, maliban na lang kung ang buhay ng tao ay isa ring sinusubaybayang soap opera. Malaki ang posibilidad na sasang-ayon ka kung sasabihin kong kadalasang sa pagkabigo rin naman humahantong ang karamihan sa mga ‘yan. Halimbawa, may darating na bagong tao sa ‘yong buhay, makikipagkilala, magpapakilala, at magkakakilanlan. Sa mga unang araw, panay ang kwentuhan, sa text, sa chat, at magkukulitan sa kahit na anong paraan. Sabay na bubuo ng samahan. Sabay na kikilatisin ang sari-sarili mula sa malalaki hanggang sa pinakamaliliit na detalye. Sabay na bibigyang kahulugan ang salitang pagkakaibigan. Magpapatuloy ang oras, araw, at buwan pero kalaunan, may bigla na lang maglalaho, may biglang mang-iiwan at maiiwan. Nasan na ‘yung eksaytment? Nasan na ‘yung mga bagay na sabay niyong binuo? Hindi kaya lahat ng ‘yon ay mga bula lamang—lumulobo’t pumuputok? Na tulad ng eksaytment ay sa una lang nakapagbibigay-siya dahil sa huli, ito’y maglalaho rin lang naman?
Isang kaululang naimbento, pinauso, kumalat at naging nakakahawang sakit sa mga kabataan sa kasalukuyang panahon. Kung papaanong di-mapigilan ang pagkalat nito sa kahit saang sulok, kami-kami rin ang makakasagot. Eto ang ilan sa mga gasgas ng atake ng ilang bata na pinapatunayang nakakapatapid ang IQ nila sa sobrang baba:
Kung di ako nagkakamali, Sorry for Not Replying ang ibig sabihin ng acronym sa itaas. Katanggap-tanggap sana, hindi ba? Kitang-kita na sana sa inosenteng mga mata ang paghingi ng tawad with matching pagluhod pa ang sinseridad, na kahit sinong pagsasabiha’y bahagyang dadaluyan ng luha sa kaliwang mata at dagliang magbibigay ng kapatawaran. Kaso, binasag nung pangalawang salitang tipong nangangalok ang kadramahang iyon. Text? Ala, okay ka lang? Paano kung hindi mo na naman mapanindigan ‘yang alok na ‘yan dahil bigla kang magka-diarrhea, o kaya makatulog ka ng di-inaasahan, o kaya utusan kang maglaba ng nanay mo, mano-mano, bawal ang washing machine. Mag-e-SNR ka na naman ba? Ano to, walang kasawaang paghingi ng tawad? Hindi Diyos ang katext mo na paulit-ulit dapat hingan ng tawad na pagkatapos ng ilang ikot ng kamay sa orasan ay gagawa ka na naman ng kasalanan.
Mga istilong panis. Mga istilong bulok. Mga istilong binubukbok. Mas nakakaiyak at nakaka-touch pa siguro kung simpleng ‘Good Morning!’, ‘Good Afternoon!’, at ‘Good Evening!’ ang sinasalpak sa bawat mensaheng pinapasa mo bilang tanda na nakakaalala ka sa isang tao. O mas nakakatawa pa nga kung sisingitan mo ng mga katagang: ‘Ang gwapo ko talaga tuwing umaga!’ o kaya ng: ‘Nagising akong may malaking tipak ng muta habang may nanigas na laway sa pisngi.’ para kahit papaano, may batayan ang pilit na paghagikhik ng taong makakatanggap nito. Oo, magaling gumawa ng imahinasyon ang utak ng tao pero sa puntong ‘to, ginagawa mo namang baliw ang pinakamamaganda’t pinakagagwapong nilalang sa mundo ng mga hayop sa paglalagay mo ng insert-insert na yan. Ingat ka, baka maging isang malaking mental hospital ang Pilipinas kapag nagkataon.
Tadaaa! Ingat po tayo mga kaibigan, may gumagala na naman pong mangkukulam sa kalunsuran pero di na walis-tingting ang gamit, cellphone na (kailangan rin daw kasing makisabay sa mabilis na pag-usbong ng teknolohiya). Mangyaring magkulong lamang sa arinola ni Lola three times a day, isang oras bago kumain dahil ganoong oras sila nambibiktima. E? Totoo mga kurdapyo’t kurdapya? Mababaog ang sino mang di magtext sa inyo? Oh, c’mon! Di niyo naman sinabi, nasa panahon pa pala tayo ng ‘blusang itim’. Makapanumpa naman kayo, wagas. Kalinya rin ba ‘yung sumpa ninyo nito: “Isinusumpa ko, gagapang kang parang ahas!” o kaya nito: “Magiging kabayo ang anak mo pero mukha siyang unggoy, unggoy!”. Pst, oy! Minsan naman, isumpa niyo kami na balang araw, sa salapi kami maglalangoy para happy-happy! Libre pa kita.
Kahit saang sulok hagilapin, kahit gumamit pa ng transit, telescope at microscope para lang silipin, at kahit ang pinakabobong utak pa ang gamitin, wala talagang kinalaman at pakialam diyan ang bawat isa sa amin. Hello there! Kailangan pa talagang ipagladlaran na may nagaganap na pag-uusap sa pagitan ng ilang tao? Wow! Yayaman ba tayo diyan? Kung oo ang sagot, aba sige, araw-arawin ang pagpapadala ng mensaheng gaya niyan, baka ito na ang susi para makahon sa kahirapan ang Pilipinas. E di ba nga, may twitter naman para sa At The Moments na ‘yan? ‘Bat di natin subukang don magpakawala ng galit tutal nagmumura ka minsan, ng kaba tutal may mall shows ka naman, at ng kahambugan tutal gwapo ka naman at malakas ang hatak sa mga chicks. Bitter ba ako o purong paglalahad lang ‘yan kung ano ang totoo? Masama ba ang ugali ko o mapag-obserba lang talaga akong tao? Tama ba ang ginamit kong pamantayan o lumihis ako sa dapat na pinupunto? Ilang beses ka bang tinamaan? Aba’y wag mahiya, ang sarili mo’y depensahan. ISANG PAGHAHAMBING
Kung bakit palaging ikinakabit ang pangalan ko kay Bob, e walang tiyak na kasagutan. Hindi ko siya kapatid, pinsan, o kahit malayong kamag-anak pa. Hindi ko rin siya kapitbahay, kainuman, o tanod na kinatatakutan sa lugar namin. At lalong hindi ko siya propesor, mentor, o Christian Living teacher noong elementary.
Marahil, nagtataka ka kung bakit minsan e nagkakapareho kami ng istilo sa pagpapahayag ng damdamin. Marahil, napapakamot-ulo ka kapag may napapasingit na joke sa seryoso kong mga sulatin. Marahil, napapanganga ka na lang kapag may mga katagang di mo maintindihan, na sa sobrang luma, inaamag na.
Baka naman nasa punto pa rin ako ng pangangapa. Nasa puntong uhaw sa pagkamalikhain kaya nauuwi sa panggagaya. Pero, ewan ko rin. Ewan ko lang talaga pero (ulit) sana, hindi. Mahirap na, baka malubog ako sa kumunoy na ako mismo ang lumikha at di na muling makaahon pa.
Kaya ikaw, ikaw na natutuwa kahit papaano sa mga nababasa mo sa blog ko kahit di ako sikat, ikaw na kahit di na maulit ay minsang napatambay na doon, at ikaw na patuloy na nagbibigay ng inspirasyon at motivation sa akin para magpatuloy pa kahit di ko ‘to linya, marami salamat!
10 notes /
2 weeks ago
TAGS: Bob Ong Kwentong Karpintero salungat eiywankosayo binibininggonzales nagiisangjoycesa 1
2
3
4
5
6
7
8
9
10
Next
|
ABOUT
Tumblrista | Tambalanista | Kapamilya | Perpeksyonista | Sigurista | Durugista Kabisyo | Facebookero | Inhinyero | Tsismoso | Seloso | Misteryoso | Pilosopo Nang Malusak ang mga Latak sa Utak, Dito Pumatak!![]() Tweets
Follow @kaymartilyo on Twitter I'm following:
![]() Get your own Poll! |